Sunday, May 08, 2005

Tanging Ina Ko!

12:39 am May 8, 2005

Nais kong bago matapos ang araw na ito, muli akong makagawa ng artikulong magpapahayag ng muli kong pagmamahal sa akin ina at pagpupugay sa lahat ng mga ina sa buong mundo.

Alam ninyo, may isang bagay akong sobrang nasa saloob ko. Naiiinis ako kasi alam kong masama ito. Inaamin ko, mainggitin ako. Mainggitin sa mga taong may mga Nanay na nasa tabi nila at pwde nilang yakapin at halikan. Maiinggitin ako sa mga taong may Nanay na nakakasama nila sa mga gimik at lakaran. Maiinggitin ako sa mga taong may Nanay na nalalapitan nila at naiiyakan sa tuwing sila ay may mga problema. Sino ba naman ang hindi maiinggit kung wala kang maaari mong lapitan kapag kailangan mo ng kalinga ng isang Nanay. At sa puntong ito, labis akong nangungulila kapag naiisip ko ito.

Mahirap kalimutan kahit ninuman ang mga sandaling kasama mo ang Nanay mo. Oo nga’t namalagi ka sa sinapupunan ng Nanay mo ng siyam na buwan, higit pa rin dun ang sandaling mas kilala ka ng nanay mo.

Hindi na natin matandaan kung paano tayo pinapalitan ng lampin (vocabulary 101: LAMPIN – yari sa mantsang hilaw na tela or katsang puti) oo..inaamin ko, di ako umabot sa diapers ...kung pano tayo unang pinaliguan ng nanay natin (..sa batya pa lang noon)..at ang gamit na sabon sa atin ay Perla …. Tapos, ibabalot tayo sa isang kumot na may burda ng pangalan natin… kulay blue kapag lalaki, at kulay pink kapag babae…at kung pano tayo ipagkanaw (vocabulary 101: KANAW – pagtimpla) ng Nanay natin ng gatas (hmmm.. Bona na ba ang gatas na gamit noon kasi di pa noon naiimbento ang Promil – pero in fairness, kahit walang Promil, gifted na ako… hehehehe)…at ilang buwan, or worst, taon ng tayo’y bago ibutaw ng Nanay natin (vocabulary 101: IBUTAW – patigilin sa pagbreast feed)…siguro, noong panahong iyon, diring diri kayo sa kulay purple na nasa dibdib ng nanay niyo kaya’t nagtyaga na lang tayo sa bibiron (vocabulary 101: BIBIRON – feeding bottle)…

Noong bata ba tayo, ilang beses ba tayong sinasaway ng nanay natin kapag kinukutkot natin ang kantong dulo ng ating kumot o punda ng unan…at makailang beses ba tayong umiihi sa higaan natin katabi ng Nanay natin?

Hindi lang iisang beses na lalapit tayo sa Nanay natin at magpapapalit ng salwal natin kasi may pupo na…

Hindi ko malubos maisip na sa kabataan natin ay sobra sobra na ang ginagawang pagmamahal ng Nanay natin..hindi natin ito matatawag na malasakit kasi katumbas ng ginagawa nila sa atin ay ang buhay nila….

Noong unang pumasok tayo sa paaralan, kasa-kasama natin sya dahil may bago tayong mundong gagalawan at nais nating nakikita natin sila habang nag-aadjust tayo sa bago nating kapaligiran…

Si Nanay, kaylan man, nais niyang nasa mayos tayong kinalalagyan at di inaapi.. Naranasan mo na bang ang Nanay mo ang nakikipagaway sa Nanay ng mga kalaro mo? Hehehe.. nangingiti ako sa pagkakataong sinusulat ko ito kasi ang Nanay ko ang sumugod sa bahay ng kalaro ko at nakipagdakdakan sa Nanay ng kalaro ko…may pagkaguirrera pala ang Nanay ko….

Nanay ngang talaga na matatawag ang ating ina kasi lahat ng bagay na maari niyang ibigay upang mapabuti tayo, ginagawa niya di ba? Iba iba ang propesyon ng ating mga Nanay…at mas pinili niyang propesyon ang isang maging simpleng maybahay…katulong ni Tatay sa pagdidisiplina sa aming mga anak nila…

Sa panahong ngayon, tutol na tutol tayo sa mga magulang na gumagamit ng kamay para disiplinahin mga anak nila…pero noon, sa tingin ko, ok lang. Kasi ba naman kung hindi ako napapalo, nakukurot at isang beses na masampal ng Nanay ko noon, marahil hindi ako disiplinado ngayon, hindi ko pinahahalagahan ang mga nais nilang mangyari sa akin…masakit sa katawan kapag nararamdaman mo ang sakit na dala ng pisikal na pagdidisiplina, magmumukmok ka na lang at iiyak sa isang sulok habang isinusumpa mo sila (kasi naman bata pa, di ko alam na masama ang magsumpa ng tao…sensya na..murang isip pa lang.)

At matapos tayong disiplinahin ng nanay natin, kapag tumuntong na tayo sa hustong edad, binibigyan na tayo ng malayang pag-iisip at pagdedesisyon sa buhay…Noong nag-aral na ako sa Maynila, malayo sa piling ni Nanay, todo-todong mga bilin ang binibigay niya sa akin, sobrang pag-aalala talaga ang nasa puso niya…pero dahil alam ko na ang hirap na dinala nila at sakripisyo para sa akin, may tamang isip na na rin ako na gawin ang mga bagay na magpapaganda ng buhay ko.

Siyam na buwan sa sinapupunan…siyam na buwang kelangan niyang maging maingat na huwag madulas, huwag mahulog sa hagdan upang tayo ay di maagas (vocabulary 101: MAAGAS – makuhan, ma-abort)

Anim na taon bago tayo pumasok sa elementarya, nanay natin ang karamay natin sa lahat ng oras, kapag nagkakasakit tayo, kapag nais natin ng kalaro, kapag pinatutulog tayo sa duyan o di kaya’y sa bisig niya habang isinasayaw tayo…

Anim muli na taon sa pagtungtong sa elementarya, kaagapay natin sila sa paggagawa ng mga proyekto ng paralan, bagamat hindi si Nanay ang dumadalo sa PTA meetings ng paaralan, si Nanay pa rin ang nag-aabot ng baon sa atin….

Apat na taon sa high school. Apat na taong binibigyan na tayo ng konting laya para magdesisyon pero katulong pa rin natin sila…literally, sya pa rin ang naglalaba ng uniform at nagpaplantsa nito para sa atin…sa apat na taong ito, maipagmamalaki ko, maraming beses ko rin syang pinapanhik sa entamblado upang sya mismo ang magsabit sa akin ng medalya ng karangalan…

Limang taon sa kolehiyo…Limang taon singkad na nasigasig akong nag-aral para sa kinabukasan ko…at ang tanging baon ko dito sa Maynila ay ang mga pangaral ng magulang ko….si Nanay ang alam natin, katulong lagi ng Tatay natin upang kahit sa malayong lugar ay suportahan tayo… sa Limang taon ko sa kolehiyo, ilang beses sa bawat semestral break ako nakakauwi upang makapiling sina Nanay…at sa panahong iyon, muling ko syang nayayakap at nahahalikan, nasasamahan sa palengke upang ipagbuhat ng mga pinamili, nakakatulong sa paglilinis ng bahay at nakakakwentuhan habang nanonood ng telebisyon habang makatulugan na niya at si Tatay na ang gigising sa kanya…

Pagkatapos ng Limang taon sa kolehiyo, ang susunod na bahagi ay maraming taon pang kasama natin sya habang nagtatrabaho na tayo…pero hindi!

Isang taon mula ng aking pagtatapos at pagtatrabaho…ay maaga na siyang kinuha ni Lord… (
http://thechroniclersfiles.blogspot.com/2005/03/kain-tayo-sa-mcdo-nanay-o-ipagluto-mo.html)

Halos dalawampu’t tatlong taon lang….23 years! Ganyan ko lang nakapiling si Nanay…dalawampu’t tatong taon ko lang muli’t muliy babalikan ang mga panahong kasama ko sya…23 years lang ng mga pangyayari sa buhay ko nakasama ko sya...at sa mga nagdaanang panahong iyon, ilang beses ko ba syang nahalikan at nayakap…at binati ng Happy Mothers Day Nanay….

Oo nga, naiinggit ako kapag nakikita ko ikaw na kasama ang Nanay mo…kausap mo sa cellphone ang Nanay mo..o di kaya’y katsikahan mo ang Nanay mo…o humihingi ka ng payo sa Nanay mo tungkol sa pag-ibig o anumang aspeto ng buhay…

At inaasam na sana si Nanay kausap ko pa sa cellphone, ka-text ko at pinadadalhan ng MMS ng mga akyat ko sa bundok, ng mga lakad ko sa SFC, ng mga MMS kasama ang mga kaibigan ko…

Hihikbi na lang ako sa isang sulok, at sa impit na iyak ay sasambitin ko..” Nanay, namimiss kita” ….(salamat, kalapit ng computer ko ngayon ang isang tuwalya nakasabit dito, madali kong napunasan ang mga luhang gumulong na namang pababa at ang sipon ko)…..

Nanay Happy Mother’s Day..at sa lahat ng mga Nanay sa mundo…sa nanay ng mga pinsan ko… mga Nanay ng mga kaibigan ko…sa mga Nanay ng mga ka-SFC ko…sa mga Nanay sa opisina namin....sa mga Nanay at Tita-titahan ko sa Tekton at sa CFC. at sa mga kaibigan kong ganap na ring Nanay….

Tanging Ina ko..nag-iisa lang....

0 Comments:

Post a Comment

<< Home