Monday, March 28, 2005

Pa-kiss Pare!

(This was posted in my yahoogroups last December 13, 2004)

Birthday ni Tatay noong nakaraang Linggo. Wala namang magarbong handaan, kundi isang payak na misa ang inialay namin sa kalapit na simbahan.

Sa pagkakataong ito, gugunitain ko ang ala-ala ng isang guro, magulang, kaibigan at asawa.

Noong bata pa ako, sa katigasan ng ulo ko, tanda ko pa ang latay ng sinturon ni tatay kapag kami ay napapalo niya. May isang pagkakataon na naputol ang kanyang lumang sinturon sa paghagupit sa akin. Masakit, pero di ako nagtanim ng galit sa kanya ng parusahan niya ako ng ganun.

Malambing din ang aking tatay, may isang pagkakataon noong ako’y nagkasakit, susunduin niya ako sa aking kwarto upang kanyang buhatin at dalhin sa hapag kainan. Ang sarap ng pakiramdam, habang inaala-ala ko ngayun yung feeling na buhat buhat ka ng iyong ama, nakayakap ka sa kanya, nakahilig ang ulo mo kanyang balikat, at pakiramdam mo, sinasabi niya sa iyo, “safe ka sa akin, anak”….

Todo suporta ang tatay lalo ng ako’y “bininyagan”. Diyata’t sya ang aming kasama ng kuya ko ng pumunta kami sa doctor sa bayan upang magpatuli. Hawak ko ang mga kamay niya ng mahigpit habang ako’y nakapikit at “binibinyagan” ng doctor.

Guro sa isang pampublikong sekondarya ang aking tatay. Ng magkamulat ako ay isang ganap ng guro ang aking ama. Nagtuturo ng subject na science, practical arts, social studies, woodworking at abala rin sa gawaing pang Boy Scout. Isang pintor sa kanyang sariling kakayanan si Tatay, marahil sa kanya ko naman namana ang aking talento sa pagguhit.

Vrica kung tawagin ang tatay sa paaralan ng mga kapwa niya guro. Vrica, mula sa unng letra ng kanyang pangalan, Virgilio, “V” at “rica”, mula sa unag dalawang kataga ng kanyang apelyido. Kakaiba di ba? At kakaiba rin ang ginagawang serbisyo ng tatay sa paaralan. Tanda ko pa, kapag Foundation Day sa aming school, serbisyo niya ang inuupahan ng mga may kayang pamilya sa aming bayan upang gumawa ng karosa ng mga anak nilang nagwagi sa patimpalak ng pagandahan (at payamanan, kasi paramihan ng pera e!)

At sa pamamagitan ng pagtuturo niya, ay naitaguyod niya kaming mga anak niya upang mapag-aral niya sa kolehiyo.

Relihiyoso si Tatay. Isa syang lector sa aming simbahan, at naging miyembro ng Couples for Christ sila ni Nanay noong nandito na ako sa Maynila. Kaya naman ngayun ay naiintindihan ko na rin kung ano yung mga sinasabi nilang household noon.

Pero may isang bisyo si tatay na dati ay di ko pinapansin noong akoy bata pa…YOSI, kadalasan ako pa ang pinabibili niya ng sigarilyo sa kanto sa may tindahan. Ngunit, sa paglipas ng panahon, noong tumuntong na ako ng kolehiyo at nawalay na ako sa aking mga magulang, kabilang sa ginawang pagtitipid ni tatay upang kahit papaano ay makadagdag ng allowance na ipapadala sa amin dito sa Manila, ay unti unti niya na itong binabawasan, pero nagsusumbong sa akin si Nanay na di pa rin daw ito nawawala. Isang liham ang ginawa ko noon kay tatay, may halong pagtatangka, tanda ko pa sa liham na sinulat ko..”tatay, kung ikaw, nakakapagsigarilyo, ako man kaya ko na ring magsigarilyo sa edad kong ito, pero di ko ginagawa,…sana sa pag-uwi ko dyan sa probinsya, buo pa kayo at malusog” …parang ganito ang linya ng liham ko kay tatay..Marahil, naantig si Tatay kaya nama’t pinagpursigihan nyang itigil ang paninigarilyo, sa sobrang pagkakaantig sa sulat ko, ipinabasa pa niya ito sa Ninang ko na kapwa niya kaguro sa paaralan.

Nagdaan ang panahon, napagtapos niya ang kuya ko bilang inhenyero, nababakas ko sa kanya ang kasiyahan, nagpakain nga siya sa mga kaguro niya ng makapasa si kuya sa board exam. At sa aking pag-aaral, di ko binigo si tatay na makapagtapos din sa kursong inhenyero.

Nang lumuwas sila ng nanay at tatay ko upang dumalo sa aking pagtatapos, si tatay at kuya ko lang nag nakadalo sa Folk Arts Theater, kasi ang Nanay ko noon, lumuwas nga pero dahil sa kanyang sakit ay di na nakayanang sumama sa Folk Arts. Walang handaan matapos ang aking graduation, nagkasya kami sa isang malamig na sago’t gulaman na pumatid sa aming uhaw bago kami umuwi sa bahay ng aming tita na kung saan nandoon ang aking nanay na naghihintay. Iniabot ko ang “dummy” diploma kay nanay at nagsalo kaming lahat sa nilagang baka na pinaluto ng aking tita.

Lumipas ang ilang buwan, tuluyan ng naratay si Nanay sa karamdaman. Habang nandito sa Manila si Nanay, ang Tatay ko naman ang kasama ng aking dalawang kapatid sa probinsya.

Isang araw, kailangan sumailalim ng prosesong medical si nanay at kailangan ng malaking halaga. Agad akong nag long distance kay tatay at sinabi sa kanya ang pinansyal na pangangailangan. “Hihintayin ko na muna ang sweldo namin para may madala dyan, kayo na muna ang bahala sa Nanay nyo” …..isang pagbibigay ng katungkulan at pag-aatang ng responsibilidad, dahil matapos ang araw na hinihintay namin ang kanyang pagdating, ang aking kapatid mula sa probinsya ang dumating dala ang pera, wala si Tatay, iyon pala’y inatake sa puso at dinala sa hospital. Walang kamala’y malay si Nanay na nakaconfine na pala si Tatay sa probinsya.

Unang araw ng interview ko noon sa isang trabaho, umaga pa, 7AM ng June 10. Nakatanggap ng tawag sa telepono ang aking tita, pagbaba ko ng bahay mula sa pagbibihis sa kwarto, maluha-luha niyang sinabi sa akin..” wala na ang Tatay mo” ….di ko maintidihan ang tinuran niya, pinaulit ko, baka lamang nagkakamali ako ng dinig… “nauna na ang Tatay mo” ….para akong pinagsakluban ng langit at lupa, pumanaw sa Tatay samantalang si Nanay ay kasalukuyang nasa St. Lukes Hospital.

Napawi na ang sakit na dala ng pagpanaw ni Tatay, tumanggap kami ng benepisyo na sya namang ginamit sa mahabang gamutan ng aking ina.

Nakapagreview ako at pumasa sa board exam. Ganap ng inhenyero, pero wala si Tatay sa aking tabi upang tanggapin ang titulong itinuturing pangalawang medalya sa dibdib ng aking ama.

Wala pang isang taon, sa maikling panahon din ay sumunod na si Nanay kay Tatay. At ganap na kaming naulila.

Matatamis ang ala-ala ni Tatay. Isang guro, isang kaibigan, isang ulirang asawa na maging sariling buhay ay kanyang inialay para sa kabiyak, isang mapagmahal na ama.

Tuwing magagawi ako sa aming simbahan, at makikita ang imahen ng Birheng Maria na nakadambana sa altar. Naalala ko si tatay, kasi ito iyung rebulto na isinailalim nya sa detalyadong pagpipinta ng orihinal na kulay. Kaylan man di ko malilimot ang kanyang pagtuturo sa akin kung paano pumedal ng bisikleta. Ang gabing kasama ko syang namamasyal, matapos ang araw ng aking pagtatapos, nakaakbay sa kanya, Ang hagupit ng sinturon niya. Ang kanyang yakap at lambing. Ang pagsasama niya sa amin sa panonood ng kung-fu movies sa masurot na sinehan ng bayan.

Habang sariwa pa ang mga bagay na ito, pilit kung itong binubuhay sa aking gunita. At sa nagdaang kaarawan, nandoon yung walang sawang mga “sana”…sana nagbibirthday ka ngayun na kapiling namin at nagliliwaliw….at sana’y kapiling ko pa sya sa pag-aaruga ng kanyang mga magiging apo.

Sana kaakbay ko pa sya at sinasabing… Pa-kiss nga pare!

Kain Tayo sa McDO Nanay o Ipagluto mo ako ng Spaghetti

(This was posted in my yahoo groups last Dec. 4, 2004....Dec. 6 is my birthday)

Tuwing sasapit ang kaarawan ninuman, unang pinasasalamatan si Lord. At ang susunod siguro hindi lahat nakakaisip nito, ang ating mga magulang, especially ang mga nanay natin.

Kaya naman sa espesyal na araw na ito ng aking buhay, matapos kung pasalamatan si Lord sa muli niyang pagpapahiram ng buhay sa akin, nais kung bigyan muli ng pagpupugay ang aking nanay.

Hindi naman ako nanay’s boy, marahil ay litaw lang at natural lang sa akin ang maging malambing sa aking nanay. Ako sa magkakapatid ang laging nakapulupot sa nanay ko kapag nanlalambing, kapag natutulog sya, tatabihan ko sya at yayakapin, at laging humahalik sa pisngi.

Sa mga nagdaang panahon na nakapiling si nanay, gagap pa ng aking ala-ala ang mga pagkakataong kapiling ko siya. Sa murang isipan ay tinuruan na nya kami ng gawaing bahay, ang maghugas ng pinagkainan. Sa kanya ko nasalamin ang repleksyon ng isang inang huwaran, gagawin lahat para lang sa aming anak niya. Kabilang dyan ay ang pagtulong niya sa aking tatay upang magkaroon ng ekstra income, nagmamanicure nanay ko sa mga co-teacher ng tatay ko, sa Mayor namin at pamilya nito sa aming bayan, sa mga kapitbahay namin, sa mga magulang ng mga kaklase ko at kung sino pang mga kalapit na kakilala. Maraming paa at kamay na ang “naalagaan” nya. (kaya nga’t napapangiti ako lagi kapag may nararamdaman akong engrown sa kuko sa aking hinlalaki sa paa, naaalala ko sya),

Malinis sa bahay ang nanay ko, tanda ko pa kung pano nya lampasuhin at is-isin ng eskoba na may sabon ang aming sementong sahig dun sa unang bahay na kinalakhan ko, at ng lumipat kami sa bahay ng lolo ko, dun naman sya nagflofloorwax ng pula sa sementong sahig, (dun ko siguro nakuha yung pagiging malinis ko sa bahay, naks! At tanda ko pa noong nasa kolehiyo na ako at kung umuuwi ako sa probinsya twing bakasyon e ako ang nangangalaga ng sahig namin, nagbubunot, naglalampaso, nagpapakintab)

Labis ang pag-aaruga ni Nanay sa amin, sa aking gunita ay buhay pa yung ala-ala na pinaliliguan niya kami sa may poso sa tapat ng gaming bahay. Gamit ang batong panghilod at labakara (bimpo) ay tinatyaga niyang linisin ang aking kili-kili, talampakan, singit, likod hanggang matanggal ang libag sa katawan. Nakakakiliti! Gayundin ang ginagawa niyang paglilinis ng aking tenga, hihilig ako sa kandungan ni Nanay at tyatyagain niyang tangalin ang aking tutuli. Ito ang talagang nakakakiliti dahil nakapikit ako habang ginagawa ni Nanay ito sa akin.

Mahaba ang litaniya ng ala-ala ng aking kabataan, kabilang ang pag-angkas ko sa bisekleta ni Tatay habang si nanay ang nagpepedal patungo ng palengke, ang pagsasabit ni nanay ng ribbon at medal sa akin twing pagtatapos ng school year. Ng sumapit ang huling taon ko sa high school, napagod ang nanay ko kabilang ang tatayo ko at ang lolo’t lola ko sa pag-akyat sa entabaldo sa halos mahigit sa isang dosenang medalya ng karangalang nakamit ko.

At sa pag-aral ko dito sa Maynila, nalayo ako kay nanay, tanging sulat lang kapag nagpapadala sila ni tatay ng allowance dito sa amin ng kuya ko ang aming naging komunikasyon. Di ko nasundan kong anong mga paghihirap ang dinaranas nila ni tatay sa aming bayan para lang makapag-aral kami ni kuya. At sa mga sulat ni Nanay lagi nyang nababanggit. “pagbutihin namin pag-aaral namin, pagkasyahin at pagtiyagaan na lang namin ang kanilang pinadadala gayundin ang pakikitira sa aming kamaganakan dito sa Maynila.”

Limang taon ang lumipas, matapos ang pag-aaral ko sa kolehiyo, binuno nina nanay at tatay ang pag-aaral naming magkakapatid, napagtapos ako ng maayos. Tuwing sembreak, bakasyon, pasko at iba pang okasyon, dun ko lang nakakapiling ang nanay at tatay ko. Sa panahon ng nagsisimula ko ng makamtan ang aking tagumpay, dun na ginupo ng sakit si nanay, kidney Malfunction, at kinakailangang ng mahabang gamutan, maraming operasyon ang nagdaan, pero nakatayo pa rin si nanay at patuloy na naglilingkod sa aming mga anak niya.

Minsan, sinamahan ko si nanay noon sa PGH, magpapacheck-up, kagagaling lang niyang operasyon ng isang linggo, may tubo pang nakakabit sa tyan, nagcommute kami pauwi na, sa tapat ng Quiapo dun kami bababa, nauna akong bumaba, at kasunod ang nanay ko na dahan dahan pa, pero ang lintek na dyip umandar, nahulog ang nanay ko sa dyip, napasalampak sa kalsada, ang hinayupak na dyip umarangkada ng takbo, galit na galit akong humabol sa dyip pero wala na akong nagawa….awang-awa ako sa nanay ko noon…awang-awa, kayat sa twing may ganitong sitwasyon akong nakikita ko o nararanasan, si nanay ang aking naaalala.

Sa guhit ng tadhana, naunang pumanaw si tatay habang nakaratay si nanay sa ospital dito sa manila. Isang araw ang lumipas, ako ang kasama niya sa ospital, walang kamalay malay si nanay na nauna na si tatay at tandang tanda ko pa, pinagmamasdan niya ang wedding ring nila noon ni tatay. Makalipas ang isang araw, isiniwalat ng aking mga tiyahin sa aking mahal na nanay ang pagpanaw ni tatay. Napupunit ang puso ko ng marinig ang palahaw ni nanay habang nakaupo ako sa labas ng kuwarto niya sa ospital, di ko makakayanang makita ang reaksyon niya habang ipinapaalam ang pagpanaw ni tatay.

Pero, kelangan ituloy ang buhay, kailangang ipagpatuloy ang hamon ng tadhana. Kayat habang sumasailalim ng gamutan si nanay ay kapiling naming sya dito sa maynila. Nang panahong iyon, nagsisimula na akong maghanap-buhay, bilang pangtustos na rin sa mga gastusin sa pagpapagamot ni nanay. May mga pagkakataong nagkakasarilinan kami ni nanay at ito yung mga sandaling kaylan may di mawawalay sa isip ko. Sabi nya sa akin “gusto ko pang mabuhay ng mahaba para sama-sama tayo”. (hindi ito bola, habang tinatype ko ang bahaging ito, umaagos ang luha ko at may lump sa lalamunan ko)…

Hanep talaga si nanay sa pagaaruga, minsan pagkagaling ko sa trabaho ko, aba ang mga damit namin ni kuya, nakasampay na at kanyang nilabhan. SAbi ng tita ko kung saan kami nakitira noon sa Malabon, tinatyaga ni nanay labhan ang aming damit para wala na kaming labahan pag-uwi. Di ko maimagine, si nanay nasa gripo sa labasan, payat pero manas ang mga paa at mukha, nakaumbok ang kanyang tiyan kasi may empty container na nakakabit sa kanyang tagiliran na nilalabasan at sinasalinan ng dialysis solution, naglalaba.

Wala pang isang taon ng pumanaw si tatay, sumunod na si nanay. Masakit pero tinanggap na namin. Sa huling oras ni nanay sa aming probinsya, sabi ng aking lola, ako ang huling hinahanap ni nanay. Habang unti unting nawawala ang init ng katawan ni nanay, mula binti papataas sa bahagi ng kanyang katawan, hinihintay pala niya na ako’y dumating.

Ngayong aking kaarawan, naalala ko ang niluluto niya na paborito naming magkakapatid. Mayroong may birthday sa amin at may espesyal na okasyon kapag ito ang ulam namin…ang giniling o tinadtaran….at naalala ko ang espesyal na gulaman at leche plan na gawa ni nanay….gayundin ang peanut butter at mazapan na ginagawa niya…

Dami ko ng luha na ibinuhos tuwing nangungulila ako sa aking nanay? Sa panahong may problema ako at gusto ko ng matatakbuhan, sana nandyan sya. At may magaganda, masagana at masayang sandaling sana ay kapiling at kahati ko sya….

Tanda mo ba yung commercial ng Mcdonald na may scene na mag-asawa, may sakit yung babae, sabi nya, ..”yung kurtina”…”yung unan”…”bili ka na ng merienda”….alam mo na ba?…Di ba ang lupet, may sakit na iyong babae, pero sa bandang huli, iyung asawa pa rin nya ang nasa isip niya…

Ganun ang nanay, may sakit na sya pero super pa rin sa pag-aaruga sa amin, mamatay na sya pero kami pa rin ang nasa isip niya, at maging sa huling hininga niya, kami pa rin ang inaalala niya…

At ito pa ang bagong commercial ng Maggi Spaghetti, isang bata pauwi ng bahay galing sa kanilang paaralan..sabi niya sa mga taong kakilala niya sa daan….”birthday ko ngayun”…”birthday ko po ngayun”….at pagdating sa kanila, nagluluto ang nanay niya ng isang masarap na spaghetti….isang mainit na halik ang iginawad niya sa nanay niya bilang ganti ng pagmamahal….. ”birthday ko ulit bukas”…

Kayo? kelangan mo pa bang hintayin na magkaroon ng commercial sa tv gaya ng Mcdo at Maggi bago mo maisip ang dapat mong gawin... swerte ka siguro, kasama mo pa ang nanay mo. Kaya kung ako sa inyo, iparamdam nyo na ang dapat, gawin ang tama... mahalin mo sya.... minsan pag-uwi mo, pasalubungan mo sya ng hamburger at french fries.. samahan mo na rin ng yakap at halik…saka mo sabihin, “Nanay I love you! Salamat ng marami sa pagbibigay buhay sa akin.”

Birthday ko na naman ngayun Nanay, kain sana tayo sa McDO o ipagluluto mo sana ako ng Spaghetti….sana…..